Manila, Philippines – Libre na ang technical vocational education and training programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lahat ng mga State-run Technical Vocational Institutions o STVIs.
Ang STVIs ay kinabibilangan ng mga state universities and colleges, local universities and colleges, TESDA Technology Institutions at LGU-run training centers na nag-aalok ng mga training programs sa ilalim ng TESDA Unified TVET Program Registration and Accreditation System
Ayon sa TESDA aprubado at inilabas na ng ahensya ang Implementing Guidelines sa pagpapatupad ng Free TVET sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) sa mga STVIs.
Ang Republic Act No. 10931 o kilala rin bilang UAQTEA, ay naglalayon na magbigay ng libreng tuition at iba pang school fees.
Layon ng programa na maglaan ng sapat na pondo at iba pang mekanismo upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na maka-avail ng tertiary education; mabigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng mga Filipino sa quality tertiary education.
Ang programa ay bukas sa lahat ng mga Filipino at maaaring mag-avail sa mga kalapit na STVIs na may TVET programs na rehistrado sa TESDA.