“GOOD TOUCH, BAD TOUCH” CAMPAIGN, OPISYAL NANG FLAGSHIP PROGRAM NG DAGUPAN CITY KONTRA CHILD SEXUAL ABUSE

Opisyal nang ginawang flagship program ng Dagupan City laban sa child sexual abuse ang “Good Touch, Bad Touch” campaign matapos lagdaan ang isang Executive Order na nag-iinstitusyonalisa sa pagpapatupad nito bilang pangmatagalang child protection program ng lungsod.

Nilagdaan ang Executive Order kasabay ng paggunita ng 30th National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation noong Pebrero 9 sa Dagupan City.

Saklaw ng kautusan ang pagpapatupad ng programa sa mga paaralan, barangay, child-focused institutions, at community-based programs upang magsilbing opisyal na gabay sa pagtuturo sa mga bata ng kaalaman hinggil sa ligtas at hindi ligtas na paghawak.

Nilalayon din nitong magbigay ng malinaw na direksyon sa mga magulang, guro, at barangay workers sa pagprotekta sa kabataan.

Kasabay ng aktibidad, isinagawa rin ang turnover ng resolusyon para sa pagpili ng Ten Outstanding Policemen sa National Police Commission (NAPOLCOM), bilang pagkilala sa papel ng kapulisan sa pagresponde at pag-iimbestiga ng mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa bata.

Sinundan ito ng pirmahan ng pledge of support ng mga opisyal, organisasyon, at mamamayan bilang simbolo ng kolektibong pananagutan sa pagsusulong ng child protection sa lungsod.

Sa pamamagitan ng Executive Order at patuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, pinagtitibay ng Dagupan City ang sistematikong pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan at proteksyon ng bawat bata.

Facebook Comments