Gordon, naniniwalang may kinalaman mismo si Pangulong Duterte sa kontrata ng gobyerno at Pharmally

Naniniwala si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na may kinalaman mismo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kwestiyunableng kontrata ng pamahalaan sa pagitan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Gordon na mismong ang pangulo pa nga ang nagtatanggol sa mga opisyal ng Pharmally kapag natataon na nahuhuli na ang mga ito sa mga pagkwestiyon ng Senado.

Ayon pa kay Gordon, imposible namang walang alam ang pangulo lalo na’t naging dating Undersecretary ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) si Lloyd Christopher Lao na isa sa kanilang ginigisa sa pagdinig.


Samantala, may mga patunay rin aniya na magkaibigan si Pangulong Duterte at Pharmally Chairman Huang Tzu Yen kagaya ng mga litrato nilang magkasama noon sa Palasyo ng Malacañang at Davao City.

Ang Pharmally ang nasa sentro ngayon ng imbestigasyon sa Senado matapos masilip ng Commission on Audit ang kwestiyunableng paggastos ng Department of Health (DOH) sa higit ₱67 billion na COVID-19 funds.

₱47 billion sa nasabing pondo ang inilipat ng DOH sa PS-DBM at ibinigay ang ₱8.7 billion na halaga ng kontrata sa Pharmally kahit na nasa ₱625,000 lamang ang kapital ng kompanya.

Facebook Comments