Manila, Philippines – Tumaas ang tensyon kanina sa House Committee on Good Govt. and Public Accountability nang muntik ng ipa-cite in contempt si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos dahil sa pagmamatigas nitong sabihin kung sino ang kanyang source sa akusasyon na namudmod sa mga kongresista ng 100 Milyong piso para idiin siya sa isyu ng paggamit ng tobacco excise tax funds.
Dalawang beses na itinanggi ni Marcos na sabihin ang kanyang source na iginigiit naman ni Fariñas na bawal itago ang source.
Sa pangatlong beses na ulit ng pagtatanong ay dito na nagbanta si Fariñas na ipapa-cite in contempt ang gobernadora.
Ayon kay Fariñas, kung magtuturo si Marcos pero hindi sasabihin kung kanino galing ang impormasyon ay lalabas na sa gawa lamang ito ng gobernadora.
Sa pangatlong pagtatanong ni Fariñas kay Marcos ay humingi ng suspensyon ang gobernadora at kinunsulta ang mga abogado.
Pagkatapos nito ay agad na humingi ng paumanhin si Marcos sa mga kongresistang nasaktan sa kanyang paratang at sinabing hindi ito totoo.
Hindi naman na itinuloy ang pag-cite in contempt kay Marcos dahil binawi nito ang mga paratang.
Giit ni Fariñas, nasisira ang buong institusyon sa mga akusasyon ni Marcos.
Nilinaw naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo, na walang 100 Milyong piso ang Liberal Party na siyang itinuturo na “yellow forces” para pagaksayahan at magbayad sa mga kongresista upang idiin at ipakulong si Marcos sa kwestyunableng pagbili ng 66.45 Million na multi cabs at mini trucks gamit ang tobacco excise tax ng Ilocos.