*N**ueva Vizcaya- *Nanawagan si Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag na sanang i-renew o pabalikin sa operasyon ang mga dayuhang kompanya ng Oceana Gold Phils. Incorporated na mapagsamantala sa kalikasan.
Bagamat hindi nabanggit ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Adress o SONA kamakailan ang pagpapasara sa mga minahan sa bansa ay umaasa pa rin sila at ng Novo Vizcayano na tuluyang ibasura ang apela ng Australian mining firm na i-renew ang kontrata.
Ipinag-utos ni Governor Padilla ang pagtatatag ng checkpoint upang mapigilan ang paglalabas ng mga extracted mineral sa minahan sa Barangay, Didipio, Kasibu dahil na rin sa patuloy na operasyon ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) sa kabila ng expired na lisensiya nito o ang “Financial or Technical Assistance Agreement” (FTAA).
Naglabas ng direktiba si Gov. Padilla na sisitahin at huhulihin ng kapulisan at mga opisyal ng Barangay ang mga sasakyan ng Australian mining firm na maglalabas ng mga minerals sa minahan dahil sa iligal na rin sa iligal na operasyon ng nasabing kumpanya.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang checkpoint ng mga residente at kawani ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa daan patungo sa minahan ng Didipio bilang protesta sa patuloy na pagmimina ng Oceana Gold sa kabila ng napaso nitong FTAA.
Umapela rin ang mga anti-mining groups o Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan kay Pangulong Duterte na irespeto ang kanilang desisyon dahil sila umano ang nakakaranas ng negatibong epekto ng pagmimina sa nasabing lugar.
Kahit na mapirmahan pa umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang renewal ng FTAA ay hindi umano sila papayag na makapag-operate pa ito.
Ang FTAA ay isang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at kontraktor para sa malawakang eksplorasyon at pakikinabang sa ginto, tanso, nikel at iba pang mineral ng isang lugar.
Kamakailan lamang, naghain ang lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya ng restraining order upang harangin ang operasyon sa 12,864 hektaryang minimina ng OceanaGold na may napasong dokumento.
Noong 2013, binantaan rin ng pagpapasara ang Oceanagold matapos mapag-alamang nabigo ito sa pagbayad ng lokal na buwis, pagkuha at pag-renew ng business permit at barangay clearance.
Matandaan na pansamantalang natigil ang operasyon noon umupo bilang DENR Sec si Gina Lopez ngunit noong napalitan siya ni Sec Roy Cimatu ay muling bumalik ang sigla ng operasyon.