Pansamantalang ipinasara ni Governor Jonvic Remulla ang lahat ng shopping malls sa Cavite dahil sa hindi pagsunod sa social distancing guidelines sa probinsya.
Ngayong araw, Mayo 18 ay inanunsyo ni Remulla sa Facebook na panandalian munang isasarado ang lahat ng malls sa Cavite dahil sa pakawalang bisa ng social distancing ng mga residente mula nang ipatupad ang general community quarantine (GCQ) noong Mayo 16.
Ayon sa gobernador, imbes na bumaba ay tumaas umano ng 40 ang bilang ng kaso ng may COVID-19 simula nang ipalaganap ang GCQ sa lugar.
“Akala ninyo ang GCQ ay FREEDOM PASS. Akala ninyo na ang pag bawas ng checkpoint ay pwede na ipagbaliwala ang mga pass para maka labas ng bahay. Akala ninyo na ang work ID ay lakwatsya pass,” saad ni Remulla.
Nakipag-unayan umano siya sa lahat ng alkalde ng probinsya at napagkasunduan na muling baguhin ang patakaran dito.
“Lahat ng mall sa Cavite ay panandalian sarado dahil sa kanilang pakawalang bisa ng social distancing. Sa labas ng mall bago magbukas; sa loob ng mall habang operations,” sabi niya.
“Wala po nakitang pinasusunod na patakaran ukol sa social distancing. Kung akala ng lahat ay kung pati sa mall ay PNP pa rin ay para na rin ninyo sinabi na kalimutan na ang ibang trabaho at sitahin na lang ang nasa mall,” dagdag nito.
Maging ang supermarket at drug store sa loob ng malls ay isasara umano hanggang makagawa na ng hakbang ukol sa social distancing.
Pinatukuyan din ni Remulla ang karamihan na akala daw ay mauutakan ang sistema.
- Nag employess ID ang gamit kahit hindi duty
- Pinagsabay ang employees ID at q-pass para sabay ang pasyal
- Pumunta sa restaurant (jollibee, mcdo) kumuha ng take-out at kumain sa loob ng mall at sa labas ng restaurant.
Nakiusap din siya sa mga manggagawa na huwag abusuhin ang sistema.
“Sa araw ng inyong trabaho ay kumuha ng certificate of duty mula sa HR. May palugid kami ng 1 hour before and 1.5 hours later para kayo ay maka pasok at maka uwi,” saad niya.
Kung hindi raw oras ng trabaho ay huwag daw gamitin ang company id para lang makagala.
“Please stay at home. Pag Ito ay abusuhin pa lalo, ay baka ikansala ko ang pribeleyo ng mga nagka sala sa work ID,” giit nito.
Para sa gobernador, mas maigi nang kagalitan siya ng maraming Caviteños kaysa umano madagdagan ang bilang ng kaso ng may coronavirus sa lugar.
Pahabol nito, “Pasensya na kayo, inabuso ang sistema at kailangan higpitan. Marami naman grocery at drug store sa inyong bayan. Duon muna ang kailangan bilhin. Magbubukas din naman pag napakita ang plano ng operators ukol sa social distancing.”
Samantala, naisailalim sa GCQ ang Cavite noong Mayo 16 matapos ang halos dalawang buwang enhanced community quarantine (ECQ).
Maalala namang nito lang Linggo ay nagbabala ang Joint Task Force COVID Shield na muling ipasasara ang malls sakaling lumabag ito sa physical distancing protocols.