Government agancies na hindi kaagad aaksyon sa reklamo ng mga kawani nito, paiimbestigahan sa Ombudsman

Papaimbestigahan ng Malacañang at Anti-Red Tape Authority o ARTA sa Ombudsman ang mga ahensiya ng gobyerno na hindi aaksyon sa reklamo ng mga kawani nito sa loob ng 72 oras o tatlong araw.

Kasunod ito ng paglagda ng 8888 Citizen’s Complaint Center ng Office of the President at ARTA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalatag ng mekanismo para mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na may ginagawang mali at bigong makatupad sa kanilang tungkulin.

Kabilang sa lumagda sa naturang kasunduan ay sina ARTA Director General Secretary Ernesto Perez at Usec. Rogelio Peig II ng Strategic Action and Response Office ng Office of the Executive Secretary.


Ang 8888 Citizen’s Complaint Center ang tumatanggap ng reklamo laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Perez, layunin ng MOA na matiyak ang mabilis na pagbibigay ng serbisyo sa publiko ng pamahalaan.

Binanggit naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang kasunduan ay umaayon sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matanggal ang red tape at mga delay sa burukrasya.

Facebook Comments