Inihirit ni House Committee on Public Works and Highways (DPWH) Senior Vice-Chairman at CWS Partylist Rep. Romeo Momo na payagan na ang government at private construction projects.
Ayon kay Momo, nahuhuli na ng ₱120 billion ang public spending sa local construction business na maaaring ikasama ng paglago ng ekonomiya ng bansa at may dala ring banta sa posibleng pagkawala ng nasa apat na milyong mga trabaho at iba pang livelihood opportunities.
Iginiit ni Momo na dapat pahintulutan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang construction works hindi lamang sa mga proyekto ng gobyerno kundi maging sa pribadong sektor.
Kaakibat naman aniya nito ang pagtatakda ng kaukulang health, safety at security protocols upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa at ng publiko.
Aabot sa 10.9% ang construct sector nitong 2019 at sa nakalipas na mga taon ay tuluy-tuloy itong nagbibigay ng malaking ambag sa matatag na ekonomiya.