CAUAYAN CITY – Sa patuloy na pag-init ng tensyon ngayon sa pinag-aagawang West Philippine Sea, tuloy-tuloy din na nagsasagawa ng interbensyon ang lahat ng government forces sa buong Lambak ng Cagayan.
Sa ginawang Dagyaw 2024: Open Government Town Hall Meeting sa Santiago City, kabilang sa mga tinalakay dito ay ang mga napapanahong isyu lalo na ang nararanasang panggigipit ng Tsina sa mga mangingisda.
Sinabi ni Regional Director Angel Encarnacion ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) 2, napakahalaga ng WPS para sa Pilipinas dahil dito nagmumula ang 15 porsyento na total sa national fisheries products ng bansa.
Binigyang-diin din ni Fernando Siringan, propesor sa University of the Philippines-Marine Science Institute, ang mayamang biodiversity resources sa WPS, lalo na ang mga corals na nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang uri ng isda.
Aniya, 25 porsiyento ng marine life at ang mga coral reef sa Pilipinas ay nasa WPS.
Tiniyak naman ni Associate Director General Francis Jude Lauengco ng National Security Council ang pagsisikap at pagkilos ng konseho upang isulong, protektahan, at pangalagaan ang soberanya ng bansa sa WPS.
Kabilang sa mga nauna nang isinagawa ng iba’t ibang ahensya sa Cagayan Valley ay ang pamamahagi ng devices para sa mga mangingisda sa Batanes, gayundin ang pagbibigay ng fuel subsidy, at fishing vessels.