Narekober sa junk shop ang libo-libong halaga ng school supplies at bagong libro na pagmamay-ari ng gobyerno na dapat sana ay ipamamahagi nang libre sa mga mag-aaral.
Tinatayang 800 set ng school supplies at higit 100 history books na nagkakahalagang P34,000 ang ibinenta umano ng isang empleyado ng lokal na pamahalaan ng Cebu, ayon kay Bernard Calderon, chief ng Provincial General Services Office (PGSO).
Kabilang ang mga nakuhang school supplies sa ipamamahagi sana nitong simula ng klase, Hunyo 2019, sa mga public elementary school students.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na naibenta ng empleyado ang mga kagamitan sa halagang P4,000 o piso per kilo.
Ayon kay Calderon, umamin ang empleyadong 30 taon nang nagtatrabaho sa Capitol, na ibinenta niya ang school supplies matapos siyang utusan na linisin ang bodega na pinaglalagyan ng mga ito.
Ang bawat set ng school supplies na nakasilid sa plastic envelope ay naglalaman ng isang pad paper at lais para sa Grade 3 at 4 students.
Ginastusan ito ng Local School Board ng P14.9 million.