Isinulong ni House Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar na magkaroon ng dialysis ward na kumpleto sa dialysis machine at iba pang kagamitan ang lahat ng national, regional at provincial government hospitals.
Sa inihaing House Bill 3098, ay sinabi ni Villar na ang chronic kidney disease ay isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas at pangunahing dahilan ng pagpapaospital.
Binanggit ni Villar na nasa P4,500 ang kada session ng dialysis na kadalasang ginagawa ng tatlong beses kada linggo na aabot sa P13,500 na hindi kayang tustusan ng mga mahihirap na pasyente.
Kaya naman, layunin ng panukala ni Villar na mabigyan ng libreng dialysis treatment ang mga mahihirap na nangangailangan nito na walang mapagkukunan ng panggastos.