Libre nang makukuha simula sa Agosto ang mga certificate at clearance na kailangan sa trabaho mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Ito ay matapos malagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act no. 11261 o First Time Jobseekers Act.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III – limitado lamang ito sa mga bagong graduate at unang beses na mag-a-apply ng trabaho.
Ilan sa mga makukuhang dokumento na walang bayad ay:
- Birth certificate
- Police clearance
- NBI clearance
- Barangay clearance
- Medical certificate
Para hindi na magbayad ay kailangan ng sertipikasyon ang aplikante sa kanyang barangay na unang beses pa lamang siyang maghahanap ng trabaho.
Sabi naman ni Labor Assistant Secretary Joji Aragon – inaasahang makakatipid ang mga first time jobseekers ng ₱2,500 sa pag-secure ng government issued clearances.
May kaukulang parusa rin kapag nagsinungaling ang aplikante.
Inaasahang nasa halos 1.3 million first time jobseekers ang makikinabang sa bagong batas.