Gov’t online services, dapat tiyakin na palaging bukas at gumagana

Hiniling ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa mga departamento ng pamahalaan na tiyaking bukas at gumagana sa lahat ng oras ang kanilang mga website.

Sabi ni Poe, ito ay upang makapagbigay ng impormasyon at serbisyo sa publiko ang gobyerno sa gitna ng restriksyon sa paggalaw dulot ng COVID-19.

Paliwanag ni Poe, labis na kailangan ang digital sa paghahatid ng tulong sa harap ng nararanasang krisis ngayon dulot ng mabilis na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Giit ni Poe sa mga ahensya ng pamahalaan, mamuhunan sa pagpapaunlad ng kanilang sistema, pagpapalakas ng kanilang firewall laban sa mga hacker, at pagpapaigting ng user-friendly interface na madaling magamit ng publiko.

Ipinanukala rin ni Poe na pag-ibayuhin ang chat bubble ng mga nasabing portal upang makakuha ng agarang sagot ang publiko sa kanilang mga katanungan.

Binanggit ni Poe na dapat makita ng mamamayan sa pamamagitan ng live chats na handang tumugon agad at magbigay ng impormasyong kailangan ang pamahalaan.

Facebook Comments