Grab driver, pinatay – kotse tinangay pa!

Manila, Philippines – Humihingi ng tulong ang Grab Philippines sa publiko para sa kaagad na ikadarakip ng mga suspek na pumatay at kumuha sa kotse na minamaneho ng isang Grab driver.
Sa pahayag ng Grab, si Gerardo Amolato Maquidato ay binaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek noong Huwebes sa Pasay City.
Matapos ang pamamaril, tinangay pa ng mga suspek ang minamanehong kulay silver na Toyota Innova ng biktima na may conduction sticker na YV7109.
Sinasabing gumamit ng pekeng Facebook account ang mga suspek na kanilang ginamit sa pagpapa-book sa Grab.
Naglabas na ng alarma ang Land Transportation Office at Highway Patrol Group para mabilis na matagpuan ang nasabing sasakyan.
Napag-alaman na si Maquidato ay binigyan ng parangal ng Grab noong nakalipas na taon makaraang mag-viral ang balita sa pagpapasakay niya ng libre sa isang may-sakit na pasahero.

Facebook Comments