Ikinatuwa ng Grab Philippines ang pagbubukas ng nasa 4,000 slots ng transport network vehicle service (TNVS) sa pagsisimula ng taong 2023.
Sa pahayag ni Grab Philippines Country Head Grace Vera Cruz sa ginanap na media briefing sa Maynila, ang naging hakbang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay mapalalakas pa ang ride-hailing experience ng nasa milyong Grab users sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Vera Cruz, ngayong unti-unti ng bumabalik o lumalakas ang ekonomiya ng bansa, mas lalo pang kakailanganin ng publiko ang ligtas, maaasahan at malalapitan na transportasyon.
Aniya, bukod sa pakikipag-ugnayan sa Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Transportation (DOTr) para mas maayos na mapagsilbihan ang mga paparating at papaalis na pasahero, ang Grab Philippines ay nakatuon sa mga consumers at mga drivers sa pagbibigay ng serbisyo sa pamamagitan ng kanang app at platform.
Bagama’t may mga ilan pa dapat pang gawin para mas mapalakas pa ang mobility, sinabi ni Vera Cruz na ang Grab ay nangangakong ipagpapatuloy ang kanilamg mandato kasama ang mga transport stakeholders at regulators.
Iginiit pa ng Grab Philippines chief na hindi nila magagawa ito ng sila lamang kaya’t kakailanganin nila ang suporta ng mga partner agencies ng gobyerno.
Nagpapasalamat naman si Vera Cruz sa lahat ng Grab users sa suportang ibinibigay nila para sa ikaka-unlad ng lahat mg mga entrepreneurs gayundin ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang maihatid ang kanilang serbisyo at mga produkto sa pamamagitan ng kanilang Grab platform.