Pinagbawalan na ng Department of Transportation- Technical Working Group (DOTr-TWG) ang Grab na sumali sa pilot study ng motorcycle taxis.
Ito ay bunga ng iba’t ibang violations na ginawa ng Grab kaugnay ng operasyon sa bansa.
Sinuportahan din ng House Committee on Metro Manila Development ang desisyon ng DOTr-TWG.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, tama lamang ang ginawa ng DOTr-TWG dahil una nang nabunyag sa imbestigasyon sa Kamara na maraming beses na paglabag ng Grab tulad ng overcharging at iba pa.
Sa serye ng pagbusisi sa Grab, natuklasan ang reklamong overcharging, dominance abuse, unpaid penalties at mistreatment sa kanilang mga riders.
Sinabi ni Chua na inatasan na ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Grab na magbayad ng P25.45 Milyong refunds sa kanilang pasahero pero P6.15 Milyon lamang ang naibalik makaraan ang limang taon.
Binigyang diin pa ni Chua na nagtangka ang Grab na huwag sundin ang batas at regulasyon ng pamalaan at mag domina sa app-based transportation sector.
Nais ni Chua na magpasa ang Kongreso ng isang batas na magle-legalize sa motorcycle taxi operations sa bansa.
Una rito niliwanag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz at siya ring head ng DOTr-TWG na tanging ang Joyride, Angkas at Move It lamang ang accredited sa mc-taxi pilot study.
Noong 2022, nabili ng Grab ang Move It kahit ipinagbabawal ng DOTr ang anumang partnership para sa MC taxi pilot study.