Viral ngayon sa Facebook ang larawan ng grupo ng GrabFood riders na nagsalo-salo sa isang box ng pizza.
Ayon sa uploader na si Jann Ashley Gabad, nag-foodtrip na lang ang mga rider matapos mabiktima ng cancelled order o fake booking ang isa sa kanila.
Pinag-ambagan na lang daw ng mga rider ang pizza bilang tulong na maibalik ang pinuhunan ng nabiktimang rider.
Himutok ng uploader, nagtatrabaho aniya sila nang maayos tapos ay mapagti-trip-an lang ng mga customer.
Aniya, kakarmahin din ang mga ganitong klase ng customer.
Binanggit din ng uploader sa caption ang Grab at tinanong kung kailan ba raw maaayos ang isyu ng mga cancel booking na ikinalulugi ng ilang riders.
Ikinagalit naman ng ilang netizens sa comment section ang hindi pa rin nareresolba na isyu.
May ilang nagalit sa mga customer na “walang awa” sa mga nagtatrabahong GrabFood rider, habang ang ilan naman ay pinuna ang “kapabayaan” at “walang pakialam sa mga rider” na sistema ng Grab.
Nagsilutangan din ang iba’t-ibang suhestiyon mula sa netizens gaya ng pag-aalis ng ‘cancel’ button sa GrabFood at auto-debit/credit.