Grade 8 student na nanaksak ng kanyang kaklase sa Parañaque, nasa kustodiya na ng DSWD

Nailipat na sa Bahay-Pangarap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad na grade 8 student na nanaksak ng kanyang kaklase sa Moonwalk National High School sa Parañaque City.

Nagtamo ng apat na saksak sa dibdib ang 14 na taong gulang na babaeng biktima, at nagdulot ito sa kanyang pagkakasawi matapos siyang isugod sa Ospital ng Parañaque.

Sinabi ng Parañaque City Police na tuloy pa rin ang kasong homicide laban sa 15 taong gulang na lalaking suspek.


Hindi pa nakakausap ng Parañaque Police ang pamilya ng suspek pero ayon sa pahayag ng pamilya ng biktima sa mga police ay nagsumbong ang kanilang anak na pinagbabantaan siya na papatayin ng kanyang kaklase dahil sa hindi nito pagpapahiram ng kanyang gamit.

Ayon naman sa suspek ay binu-bully siya ng biktima dahil sa pangingialam nito sa kanyang gamit.

Pagdating sa paaralan, sinubukan pa magsumbong ng biktima sa kanilang guro na pinagbabantaan siya ng suspek pero nang magkasalubong na ang dalawa, ay pinagsasaksak na ng suspek ang biktima.

Agad naman rumesponde ang mga security ng paaralan at agad din silang nakatawag ng police.

Naniniwala naman ang Parañaque City Police na may pagkukulang ang paaralan sa nangyaring insidente.

Facebook Comments