Normal sa buhay ang subukin ng tadhana at makatagpo ng mga tao o bagay na tila hahadlang sa mga plano natin sa buhay, kahit gaano pa ito kalinaw. Pero paano kung sariling katawan mo na ang kalaban mo sa mga pangarap?
Pinatunayan ni Ann Jasmine Aspiras, Bachelor of Science in Management Accounting, na pabiro niyang dinagdagan ng “Major in Chemotherapy”, graduate sa University of Santo Tomas – Alfredo M. Velayo College of Accountancy, na sa kabila ng matinding karamdaman, maaari pa ring makamit ang hinahangad na diploma.
Sa viral Facebook post ni Aspiras, ikinuwento niya kung paanong sa umpisa pa lang ay sinubok na siya ng expectations ng mga taong nakakakilala sa kanya bilang consistent honor student mula pa kindergarten.
Hindi rin siya pinalagpas ng realidad sa kolehiyo. Naranasan niyang makakuha ng mga bagsak na grado at hindi makamit ang pinaka layunin nitong manatili sa kurso.
Dahil sa hindi magandang grades, kinailangan niyang isuko ang pangarap na maging Dean’s Lister at napilitang mag-shift sa BS Management Accounting. Doon, nakaranas ng diskriminasyon gaya ng mga estudyanteng kapareho niya ng dinanas.
Bagama’t bahagyang nalihis, nag-aral pa ring mabuti si Aspiras–minsan pa nga’y hindi na kumakain. Pero kalaunan, katawan niya na ang bumigay at kinalaban siya.
Kuwento niya, may mga gabing napaparalisa ang katawan niya at may mga araw na uminom siya tatlong painkillers nang sabay sabay para lang labanan ang sakit at magpatuloy sa pag-aaral.
Nagbunga ang pagtitiis ni Jasmine. Naipasa ang semestre, pero saka naman ito na-diagnose na may cancer, ilang araw lang matapos matanggap ang grades.
Kinailangan niyang tumigil at sumailalim sa matinding gamutan. Matapos ang walong buwan ay binigyan na siya ng go signal na maaari niya nang pagsabayin ang pag-aaral habang nagche-chemotherapy sessions buwan-buwan.
At ngayon nga’y napagtagumpayan ni Jasmine ang laban. Aniya, hindi man siya gumraduate nang may honors:
“SUMMAsamgyup pag feel nya deserve nya,
CUMichemo din even with the academic load,
And namanage ko naman yun so ok na kahit walang LAUDE hehez”