Iminungkahi ni Committee on Basic Education Chairman Senator Win Gatchalian ang suspensyon sa mga graduation ceremonies at moving up programs mula daycare level hanggang tertiary level para mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19 sa bansa.
Paliwanag ni Gatchalian, ang graduation at moving up programs ay isang family affair kung saan maraming mga Overseas Filipino Workers o OFWs ang talagang pinaplanong umuwi para dito.
Ayon kay Gatchalian, sa nabanggit na mga pagtitipon ay malaking bilang ng mga estudyante at kani-kanilang mga magulang at kaanak ang dumadalo.
Diin ni Gatchalian, sa ganitong sitwasyon ay hindi maiiwasan ang interaction at contamination na maaring maging daan sa transmission o pagkalat ng virus.
Umaasa si Gatchalian na agad itong mapagpapasyahan ng kinauukulan para hindi na mag-abalang umuwi ang mga OFWs kung walang graduation o moving up programs ang kanilang mga anak na magaganap bilang pag-iingat laban sa COVID-19.