Manila, Philippines – Pinasasampahan na ng Office of the Ombudsman ng kasong Graft at paglabag sa article 244 ng revised penal code o unlawful appointment ang nakaupong alkalde ng Panglao, Bohol na si Mayor Leonila Montero.
May kinalaman ang kaso laban kay Mayor Montero matapos nitong italagang consultants ng bayan ng Panglao ang apat na natalong mga kandidato isang buwan matapos ang 2013 election.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, kinuha ni Mayor Montero ang serbisyo nina Noel Homarchuelos bilang municipal administrator, Danilo Reyes bilang public information consultant; Apolinar Fudalan bilang public employment service office coordinator at Fernando Penales bilang engineering consultant ng walang contract of service
Pinasweldo ng 25-tawsan kada-buwan ang apat nang wala ring kaukulang papeles na aprubado ng Sangguniang Bayan ng Panglao.
Una na ring hinatulang guilty ng Ombudsman sa kasong simple misconduct si Montero na pinatawan ng tatlong buwang suspension bilang mayor ng alkalde ng Bayan ng Panglao sa lalawigan ng Bohol.