Graft charges laban kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Capas Tarlac RTC Branch 109, inilipat na sa Valenzuela RTC

Ipinalilipat na ng Capas Tarlac Regional Trial Court (RTC) Branch 109 sa Valenzuela RTC ang mga graft cases laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang impormasyon ni Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino batay na rin sa court order na nakuha ng senador.

Ayon kay Tolentino, nag-isyu ang Capas Tarlac RTC ngayong umaga ng kautusan kung saan sinasabing kinakansela nila ang nakatakda sana ngayong umaga na arraignment at pre-trial kay Guo dahil wala silang hurisdiksyon sa kaso ng sinibak na alkalde.


Nagkusa ang Capas Tarlac RTC na ilipat sa Valenzuela RTC ang dalawang kaso ng katiwalian ni Guo matapos na punahin ni Tolentino sa kanyang privilege speech nitong Martes na walang hurisdiksyon ang Capas Tarlac RTC salig na rin sa Republic Act 10660 na kung saan dapat ihain ang kaso sa mga public officials sa pinakamalapit na judicial region at hindi sa judicial region na kung saan saklaw rin ang bayan ng pinanungkulan tulad sa kaso ni Guo.

Ito aniya ay para maiwasan na maimpluwensyahan ng mga opisyal na may kaso ang magiging desisyon ng korte.

Batay pa sa impormasyon, hawak na ng Valenzuela RTC ang graft charges laban kay Alice Guo at sa susunod na linggo ay ira-raffle ito kung saang branch at sinong judge ang hahawak ng kaso.

Facebook Comments