
Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na graft kay dating Pagsanjan, Laguna Mayor Jeorge “ER” Ejercito Estregan dahil sa paggawad ng kontrata sa hindi lisensiyadong insurance company.
Sa desisyong akda ni Associate Justice Ricardo Rosario, hinatulang guilty ng SC First Division sina Ejercito at Marilyn Bruel na may-ari ng First Rapid Care Ventures sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng United Boatmen Association of Pagsanjan na inakusahan si Ejercito at ilang opisyal na iginawad ang kontrata sa FRCV nang hindi na dumaan sa public bidding.
Sa ilalim ng kontrata, ang FRCV ang naatasan para sa accident insurance sa mga turista at magbabangka sa Pagsanjan Gorje Tourist Zone.
Pero wala palang Certificate of Authority ang FRCV mula sa Insurance Commission at nairehistro lang sa Department of Trade and Industry at Bureau of Internal Revenue limang araw bago ito mag-alok ng serbisyo kay Ejercito.
Wala rin itong naunang karanasan at computer business ang nakalistang negosyo nito sa BIR.
Kalaunan, kinasuhan sa Sandiganbayan ng Office of the Ombudsman sina Ejercito, Vice Mayor Crisostomo Villar at mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod.
Dumepensa sina Ejercito at Bruel pero hindi sinang-ayunan ng Mataas na Hukuman at iginiit na kailangang dumaan sa public bidding ng kontrata upang maiwasan ang anumang posibleng pagpabor at anomalya.
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan ang vice mayor ngunit na-convict naman sina Ejercito, Bruel at mga miyembro ng sanggunian.
Nakita ng Korte Suprema na tahasang binigyan ni Ejercito ang FRCV ng hindi makatwirang pabor dahil sa hindi nito pagsunod sa proseso ng batas.
Nahatulan ang dalawa ng walong taong kulong at permanente na ring binawalan sa anumang public office.
Habang pinawalang sala ang mga miyembro ng sanggunian dahil walang ebidensya na nagbigay sila ng pabor sa FCRV.
Wala pang pahayag si Ejercito sa naging hatol ng Supreme Court.