Wala pa ring magaganap na “grand procession” sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 2022.
Ito ang kinumpirma ng Manila Police District (MPD) at ng pamunuan ng Quiapo Church sa gitna ng paghahanda para sa nasabing okasyon.
Kaugnay nito, nagsagawa ng “walkthrough” ang MPD at mga opisyal kasama ang kinatawan ng Quiapo Church mula Quiapo, Santa Cruz Church, sa may bahagi ng Hidalgo at Quezon Boulevard.
Sinabi ni Lt. Col. John Guiagui, hepe ng MPD Station-3 na ang ipatutupad na protocol sa Kapistahan ay katulad ng ginamit noong Enero 2021.
Aniya, upang hindi malito ang media at publiko, mainam gamitin ay Pista ng Itim na Nazareno at hindi Traslacion dahil wala pa rin munang grand procession na isasagawa kundi mga misa lamang.
Kinumpirma rin ito ni Father Douglas Badong ng Quiapo Church na walang grand procession pero inaasahan na mas maraming deboto na ang tutungo sa nasabing simbahan at makikibahagi sa okasyon.
Lalo na kung ibababa sa Alert Level 1 ang Metro Manila kaya kabilang sa mga tutukan ay ang crowd control.
May mga itinakda na ring entry points, gaya sa Villalobos, Carriedo, Quezon Boulevard at P. Casal habang wala rin aktibidad na gagawin sa Quirino Grandstand pero may padungaw ng Itim na Nazareno tulad sa bahagi ng Sta. Cruz Church.
Sa paligid ng Quiapo Church ay may mga LED screen na ilalagay para makapanood ng misa ang mga deboto kung saan mamayang hapon ay magpupulong muli ang MPD at Quiapo Church para sa preparasyon at kanilang ilalatag ito sa lokal na pamahalaan ng Maynila.