Granstar Motors nagisa sa pagdinig tungkol sa mga biniling sasakyan ng Ilocos, gamit ang tobacco excise tax – President ng Granstar ipapa-subpoena

Manila, Philippines –Ipapa-subpoena ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Granstar Motors and Industrial Corporation Pres. Fabian Go.

Ito ay matapos na hindi humarap sa pagdinig si Go para sana bigyang linaw kung bakit ang kumpanya lang nito ang kinuhaan ng mga biniling 115 mini trucks at multi cabs ng Ilocos Norte gamit ang 66.45 Million na pondo ng tobacco excise tax funds.

Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, sa ilalim ng corporate code, si Go, na Presidente ng kompanya, ang siyang nararapat na sumagot sa involvement ng Granstar sa nasabing issue.


Batay kay Gilbert Solibas, ang Vice President for Operations ng Granstar, kasalukuyang nasa ‘out of town’ si Go.

Nairita naman si Fariñas sa dahilan ng Granstar dahil sa huling pagdinig ay hindi rin humarap si Go at ang dinadahilan ay ‘out of the country’ naman ito.

Nagisa din ang mga kinatawan ng Granstar na sina Solibas at Atty. Dominique Elmar dahil walang maipakita ang mga ito na exclusive distributorship ng mga biniling sasakyan ng Ilocos Norte.

Maging ang local govt. ng Ilocos Norte ay wala na ring maipakitang dokumento.

Nanindigan pa rin si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na legal ang kanilang pagbili ng 40 multi cabs at 70 mini trucks ng lalawigan na ginawa sa pamamagitan ng direct contracting.

Hindi naman aniya sila sinabihan ng COA na iligal ang kanilang cash advance na 32 Million sa mga sasakyan.

Sinabi pa ni Marcos walang nawaldas na pera dahil nagagamit naman ang mga sasakyan ng lokal na pamahalaan.

Facebook Comments