Pa-plantsahing mabuti ng pamahalaan ang pagpapatupad ng granular lockdown sa harap ng pangambang magdulot ito ng kalituhan sa publiko.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa na hindi na ito bago dahil matagal na rin itong ginagawa ng mga local government unit.
Katunayan, makakatulong aniya ang granular lockdown sa mga taong naghahanapbuhay.
“I think itong strategy na ‘to, mas makakatulong dun sa mga taong nais mag-hanapbuhay kasi sa pamamagitan ng pag-lockdown hindi mo naaapektuhan yung mga lugar na wala namang cases.
Kasi kapag ginawa mong buong Metropolitan Manila, ang daming hindi makagalaw, yung APOR lang yung pwedeng gumalaw,” ani Herbosa.
Pero nanindigan si Herbosa na magiging mabisa lamang ang granular lockdown kung sasabayan ito ng agresibong testing, contact tracing at isolation.
“Ang gagawin d’yan, hindi lang lockdown, ang kailangan magkaroon ng tinatawag na aggressive testing ‘no, at maghahanap ka ng contact tracing ‘no, that way, mapipigilan agad yung transmission ng COVID-19,” punto pa niya.
“So, yung test, trace and treat, gagawin mo sa mas maliit na lugar.”
Sa Miyerkules, September 8, sisimulan ang pilot testing ng granular lockdown sa Metro Manila.