Granular lockdown, posible pa rin isagawa kahit pa tumataas ang bilang ng mga nabakunahan – MMDA

Inihayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na posible pa rin ipatupad ang granular lockdown.

Ito’y kahit pa tumataas na ang bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Abalos, kinakailangan pa rin itong gawin upang maiwasan na kumalat ang COVID-19 kung saan posibleng ang isang bakunado na tinamaan ng sakit ay mahawaan ang isang hindi pa bakunado.


Aniya, paraan din ito para makontrol ang mga lugar na may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19.

Sinabi pa ni Abalos na lumalabas sa kanilang datos na nasa 65% ng kabuuang bilang sa NCR ay hindi pa bakunado kaya’t kawawa naman ang magiging kalagayan kung tatamaan ng virus.

Ang pagpapatupad rin ng granular lockdown ay isang hakbang upang hindi mapuno ang bawat hospital sa NCR ng mga COVID-19 patient.

Dagdag pa ni Abalos, nasa 11.7 milyon ang bilang ng mga nabakunahan sa Metro Manila kung saan 4.2 milyon ang naturukan ng second dose habang 7.4 milyon ang nakatanggap ng first dose.

Facebook Comments