Monday, January 26, 2026

GRECON, isinisi sa port congestion ang mabagal na pagdating ng mga imported na bigas sa mga pamilihan

Nababahala ang Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON) sa epekto ng mabagal na pagdating ng mga imported na bigas patungo sa mga pamilihan.

‎Ayon kay Orly Manuntag, Spokesperson ng GRECON, naantala ang agarang paglabas ng mga imported rice dahil sa matinding port congestion.

Ito ay matapos mapag-alamang dumagsa ang mga mamimili ng imported rice sa loob ng Intercity Industrial Rice Mill Estate sa Bocaue, Bulacan, pero nahirapan sila sa pagbili kahit pa pinayagan na ng Department of Agriculture (DA) ang muling pag-aangkat nito.

Dagdag ni Manuntag, kapag hindi nasolusyunan ang sitwasyon, posibleng magdulot ito ng paggalaw ng presyo ng bigas sa merkado.

Aniya, posibleng tumaas ng mula P1 hanggang P2 na taas-presyo sa imported na bigas.

Panawagan ng grupo sa pamahalaan, bigyang prayoridad ng Bureau of Customs (BOC) ang pagdating ng mga imported rice sa bansa.

Sa datos ng GRECON, umabot na sa 450,000 metric tons ng imported rice ang pumasok na sa bansa ngayong buwan, bukod pa sa 300,000 metric tons ng bigas naman sa buwan ng Pebrero.

Facebook Comments