Gretchen Barretto, naghain ng counter affidavit sa DOJ kaugnay sa missing sabungeros case; Atong Ang, hindi sumipot sa preliminary investigation

Naghain na ng counter affidavit sa Department of Justice (DOJ) ang aktres na si Gretchen Barretto na isa sa inireklamo sa pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang nakalipas.

Ngayong araw umarangkada ang preliminary investigation sa reklamo na inihain ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero laban sa mahigit 60 indibidwal kabilang na si Barretto at Charlie “Atong” Ang.

Pasado ala-una ng hapon nang magtungo ang aktres sa Justice Hall para isumite ang kontra salaysay.

Tiwala ang aktres na magiging patas ang imbestigasyon.

Samantala, hindi naman sumipot sa paunang imbestigasyon si Ang.

Pero ayon sa kaniyang abogadong si Atty. Gabriel Villareal, haharap ito kapag nakumpleto na ang counter affidavit.

Nang tanungin naman sa pagkaka-aresto kamakailan sa isang mag-asawa na umano’y inaareglo ang ilang pamilya ng biktima, sinabi ni Villareal na hindi kasama sa kasong ipinaa-areglo ang kaniyang kliyenteng si Ang.

Naniniwala ang abogado na si Julie Patidongan ang nasa likod nito lalo’t siya ang isa sa mga dawit sa kasong ipina-aareglo.

Dumalo rin sa preliminary investigation (PI) ngayong Huwebes si Jaja Pilarta, asawa ng isa sa nawawalang sabungero na si John Claude Inonog at isa sa tinanangkang suhulan.

Bukod sa pamilya ng mga biktima, present din kanina ang magkapatid na Julie at Elakim at dating National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo.

Facebook Comments