Muling nagkasa ng Greyhound Operation ang mga awtoridad sa loob ng BJMP Manila City Jail.
Partikular sa Manila City Jail Male Dormitory sa Quezon Blvd. sa Sta. Cruz, Maynila.
Katuwang ng mga tauhan ng Manila City Jail ang ilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Isa-isang pinasok ng mga awtoridad ang kada kwarto ng mga inmate kung saan lahat ng lagayan, sulok, dingding at kisame ay kanilang sinuri para masiguro na walang anumang kontrabando ang nakatago rito.
Nagsimula ang operasyon kaninang alas-7:00 ng umaga at sa kasalukuyan, kinumpiska ng mga awtoridad ang ilang mga gamit tulad ng pang-akit, blade, ballpen, basag na salamin, electric wire, kable, kahoy, plastic cups at iba na ipinagbabawal sa loob ng nasabing piitan.
Ayon kay JO1 Elmar Jacobe ang Public Relation Officer ng BJMP-Manila, layunin ng operasyon ay para masigurong walang anumang kontrabando ang nakakapasok sa naturang piitan lalo na ang sigarilyo, alak at iligal na droga.
Aniya, buwan-buwan nilang gagawin ang greyhound operation alinsunod na rin sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na panatilihing malinis ang mga piitan sa mga iligal na gamit at mga kontrabando.