
Inaasahang mabo-block na ngayong linggo sa Pilipinas ang online application na Grok, na ginagamit umano ng ilan sa paggawa ng sexual deepfakes.
Gamit kasi ang naturang app, maaaring alisin ang damit ng isang tao sa litrato o video kahit walang pahintulot ng subject, na isang paglabag sa batas at karapatan ng mga biktima.
Una nang ipinagbawal ang Grok sa Malaysia at Indonesia.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Henry Aguda na nagtutulungan na ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ang National Telecommunications Commission (NTC) para sa pagba-block ng nasabing application.
Ayon kay Aguda, base sa kanilang pagsusuri sa digital footprint ng Grok, maliit pa lamang ang bilang ng mga gumagamit nito sa Pilipinas, kaya’t mas maagap ang aksyon ng gobyerno bago pa ito tuluyang kumalat.
Dagdag pa ng kalihim, kahit hindi na ipagbigay-alam sa X ang hakbang, maaari na itong awtomatikong i-block dahil sa uri mismo ng content na inilalabas ng app.










