Groom at Bride, Hinuli sa Paglabag ng Minimum Health Protocols

Cauayan City, Isabela- Hinuli ng mga tauhan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang isang groom at bride gayundin ang mga dumalo sa kasal matapos umanong lumabag sa pinaiiral na health protocol sa Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.

Dahil dito, agad na dinala sa triage area ang mga hinuli upang masigurong walang positibo sa COVID-19.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, hepe ng POSD, umabot sa 25 ang kanilang hinuli kabilang ang mga magulang ng bagong kasal.


Iginiit naman ng mga nagpakasal na nasunod ang minimum health protocols gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield subalit bumungad sa mga otoridad ang dami ng nag-iinuman at umpukan maging sa paglabag ng curfew hours.

Sinabi rin ni Mallillin na inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila gayundin sa Kapitan ng Barangay dahil sa hayagang hindi pagbabawal ng ganitong uri ng gathering ngayong mahigpit na kautusan ni Pangulong Duterte ang paghuli sa mga opisyal ng barangay na hindi mapipigilan ang spread ng COVID-19.

Bigo rin umano ang kampo ng bagong kasal na magpakita ng mga dokumentong nagpapatunay ng legalidad ng kanilang pagsasagawa ng kasal.

Facebook Comments