Cauayan City, Isabela- Ginanap ngayong araw ang groundbreaking ceremony ng mga programang nasa ilalim ng Support to Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa barangay Minanga sa Rizal, Cagayan.
Pinangunahan ang pagpapasinaya nina NTF-ELCAC Barangay Development Program Communications Director Monico Batle, DILG Regional Director Jonathan Paul Leusen Jr, 501st Infantry Brigade Executive Officer Lt. Col Oliver Logan, Cagayan Governor Manuel N. Mamba, Rizal Mayor Atty. Brenda Ruma, Rizal Vice Mayor Joel Ruma at iba pang opisyales.
Kinabibilangan ito ng dalawang proyekto gaya ng pagpapatayo ng Barangay Health Station at ang pagbubukas ng bagong Farm to Market Road.
Nagkakahalaga ng Php14,980,788.44 ang sisimulang Farm to Market Road samantalang ang Barangay Health Station ay may halagang Php4,994,934.23.
Ang Minanga ay isa sa anim na insurgency-cleared barangays sa Lalawigan ng Cagayan na binigyan ng tig-20 milyong pisong pondo para sa implementasyon ng iba’t-ibang proyektong imprastraktura.
Mismong ang mga residente na ng barangay Minanga ang pumili kung saan gagamitin at gagastusin ang ibinabang pondo ng pamahalaan para sa kanila.