Groundbreaking ng OFW Hospital-Bagong Pilipinas Cancer Care Center sa Pampanga, pangungunahan ni PBBM

Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang groundbreaking ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital-Bagong Pilipinas Cancer Care Center ngayong araw.

Gaganapin ito alas-10:30 sa OFW Hospital, PEO Compound, McArthur Highway, Brgy. Sindalan, San Fernando, Pampanga, matapos ang unang event ng Pangulo sa Pulilan, Bulacan.

Ang bagong pasilidad ay magkakaroon ng out-patient department sa unang palapag para sa mga pasyenteng may nakahahawang sakit, habang sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang cancer treatment facility na itinayo bilang pagpupugay sa yumaong dating kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) na si Susan Ople.


Ang bagong cancer facility na tatawaging Bagong Pilipinas Cancer Care Center ay isang pinagsamang proyekto ng OFW Hospital, Department of Public Works and Highways (DPWH), at DMW.

Pinondohan ito sa ilalim ng 2023 Health Facility Enhancement Program (HFEP) ng Department of Health (DOH) at ng lokal na pamahalaan ng Pampanga.

Inaasahang matatapos ang pasilidad sa Nobyembre 2025.

Facebook Comments