Pinaplano na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang groundbreaking para sa pagtatayo ng Tondominium 1 at Tondominium 2.
Sa pahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso, handang-handa na ang lugar kung saan itatayo ang high-rise building para sa mahihirap na Manileño.
Aniya, ang dating dugyot at tambak ng basura na lugar, ang siyang magiging in-city vertical housing program na pangarap ng lungsod para sa mga kababayang walang sariling lupa o mga naninirahan sa tabing Ilog.
Matatandaang nakuha ng lokal na pamahalaan ang 3,000 square-meter na lote sa Binondo at 2,000 square-meter na lote sa Tondo kung saan itatayo ang 14-storey condominium.
Ang nasabing condominium ay mayroong 1,000 na unit na titirhan ng ilang residente maging ang mga informal settler sa lungsod ng Maynila.
Dagdag pa ni Mayor Isko, hindi lamang ang Tondominium 1 at 2 ang nakatakdang itayo kung ‘di mayroon ding Binondominium 1 at Binondomium 2 na itatayo sa tulong na rin mula sa mga donasyon na natanggap mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).