Nagdeklara ng suporta para kay Vice President Leni Robredo ang isang grupo ng mga volunteers na dati ay para kay Manila Mayor Isko Moreno.
Ang Ikaw Muna Pilipinas o I-M Pilipinas ay I-M Leni na.
Matatandaan na nagdeklara na rin ng paglipat ng suporta kay Robredo ang I-M Pilipinas Visayas at Zamboanga chapters.
Sa isang press conference na ginanap nuong ika-dose ng Abril, sinabi ni Tim Orbos na isa sa mga bumuo ng I-M Pilipinas, kailangan ng ating bansa ng isang pangulo na magsisilbi sa lahat, anuman ang kanilang kulay na pinili sa eleksyon.
Madalas din sabihin ni Robredo na kapag siya ay nahalal bilang pangulo, siya ay magsisilbi sa lahat, kahit sino pa ang kanilang sinuportahan nuong eleksyon.
Pink man ang kulay ng people’s campaign, sinabi ni Robredo na dapat lahat ng naka-pink ay handang buksan ang mga puso sa lahat ng kulay.
Nanawagan din si Orbos sa volunteers at supporters ng ibang kandidato na magkaisa.
Aniya dapat nang ibigay ang boto sa kandidatong nararapat at may pinakamalaking tsansa na manalo.
Nagpasalamat si Attorney Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, sa suportang binigay ng I-M Pilipinas na ngayon ay I-M Leni na.
Samantala, nagpaalala rin si Robredo na bawal mangampanya ngayong Huwebes at Biyernes Santo sa halip, aniya, ay ilaan ang mga araw na ito sa pagnilay-nilay at pagdasal.
Pagkatapos ng mahal na araw, sinabi ni Robredo na paigtingin ng mga volunteers ang ang pag-house-to-house campaign dahil ilang linggo na lang bago ang eleksyon sa May 9.
Sa house-to-house campaign, dapat magkaroon ng tapat at masinsinang pakikipag-usap sa mga tao.
Sabi ni Robredo, ito ang tanging paraan para malabanan ang mga maling impormasyon laban sa kanya na naging talamak ngayong panahon ng kampanya.