
Nagkilos-protesta sa harap ng Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame kaninang umaga ang Clergy for Good Governance upang magpaabot ng liham ng suporta para kay dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III.
Sa liham na ipinarating nina Rev. Fr. Robert Reyes ang convenor ng Clergy for Good Governance, pinuri nila si Torre sa kanyang katapatan at paninindigan para sa katarungan, kabilang na ang papel niya sa pag-aresto kay Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa suporta kay Torre, nanawagan din si Reyes sa sambayanan na tumugon sa panawagan ng Clergy for Good Governance para sa pagsisisi sa gitna ng mga isyu ng katiwalian.
Isinagawa nila ang aktibidad habang suot ang sako, may abo sa mukha at kamay at nag ayuno o nagdasal na nangangahulugang pagbabalik-loob at pagpapakumbaba sa Diyos.
Tinuligsa rin ni Reyes ang tinatawag na “nepo babies” at kanilang mga magulang dahil sa marangyang pamumuhay.









