*Cauayan City, Isabela- *Masayang nakiisa ngayong araw ang ilan sa mga grupo ng kababaihan sa simbahan sa pagdiriwang ng International Women’s Day.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Dr Olive Beltran, National Vice President ng United Methodist Women’s Society of Christian Service at program Chairperson ng Bachelor of Elementary Education ng ISU Cabagan Campus na patuloy lamang na nakikiisa sa Women’s Day ang kanyang pinamumunuan.
Aniya, maraming programa ang nagawa ng kanilang grupo na may kaugnayan sa pagtuturo ng kamalayan sa pang-aabuso, human trafficking, sexual harassment sa mga kababaihan sa pamamagitan ng Symposium na ibinabase na rin sa kanilang bibliya.
Bukod dito, nag-oorganisa rin ang kanilang grupo ng pagtitipon para sa mga kabataan at mga batang kababaihan upang mabigyan rin ng kamalayan sa mga nangyayaring pang-aabuso ngayon.
Kaugnay nito, inihayag ni Dr Beltran na mas maganda pa rin ang kalagayan ng mga kababaihan ngayon sa bansa dahil hindi na nadi-discriminate at pwede nang sumali sa larangan ng pulitika kumpara noong mga nagdaang panahon.
Bagama’t kinikilala ang mga kababaihan ngayon sa Pilipinas ay hindi pa rin anya nawawala ang pang-aabuso sa ibang mga kababaihan dahil na rin sa pagpapabaya at hindi gaanong natututukan ng ahensya.
Dahil dito, kanyang pinaalalahanan ang mga kababaihan na magsumbong sa mga kinauukulan kung may mga nararanasang pang-aabuso.
Lumahok rin anya sa mga programa ng simbahan upang mapataas ang social status at kamalayan sa komunidad.