
Nagkasa ng kakaibang Halloween-themed na kilos-protesta ang ilang grupo ng kabataan mula sa Sin Tax Coalition sa gitna ng Boy Scout Circle, Quezon City ngayong Martes.
Para sa kanilang panawagan na patawan ng mas mataas na tax ang mga ibinibentang alak.
Naglatag ng mala-lapidang karatula simbolo ng kanilang mga panawagan kabilang diyan ang mga epekto ng alak sa kalusugan at sa lipunan.
Ayon kay Gwyneth Barra ng University of the Philippines Economics Towards Consciousness, nakakakilabot na araw-araw na may napapaulat na mayroong apatnapu’t pitong Pilipino ang namamatay dahil sa alak, kabilang ang mga kabataan.
Ipinunto rin ni Dr. Allandale Nacino mula sa Philippine Addiction Specialists Society na isang public health emergency ang nangyayaring bilang ng mga nasasangkot sa insidenteng dulot ng alak kung saan higit 17,000 na Pinoy ang nasasawi kada taon.
Samantala, nagpakita rin ng buong suporta si Bataan 1st District Atty. Antonino Roman na patawan ng mas mataas na buwis ang mga alak at gamitin ang magi-generate na tax bilang pondo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).









