Nagsagawa ng kilos-protesta kaninang umaga sa EDSA-Kamuning ang grupo ng mga bus drivers at konduktor na bumibiyahe sa EDSA carousel dahil hindi pa nila natatanggap ang kanilang sahod simula pa May 2021.
Ayon sa mga rallyista, aabot sa kabuuang 20 milyon ang hindi pa nababayaran sa kanilang pagseserbisyo sa libreng sakay ng pamahalaan na parte ng Bayanihan 1 at 2.
Naniniwala ang mga ito na may sabwatang naganap sa pagitan ng kanilang bus operator at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Umalis din kalaunan ang mga rallyista sa EDSA-Kamuning at nagmartsa patungo sa tanggapan ng LTFRB upang ipagpatuloy doon ang kilos-protesta.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang LTFRB maging ang panig ng mga bus operators kaugnay sa naturang isyu.