Pumalag ngayon ang Canned Sardines Association of the Philippines kaugnay sa babalang nagbabadyang tumaas ang presyo ng mga de latang isda sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagsuspinde ng Department of Agriculture sa importasyon ng mga isdang galunggong, mackerel at bonito matapos na matuklasan na ibinebenta ang mga imported na isda sa wet market na dapat ay pang canned purposes at sa pagkonsumo ng mga hotel at restaurant lamang.
Sa interview ng RMN Manila, itinanggi ni Canned Sardines Association of the Philippines Executive Director Francisco Buencamino ang pahayag na posibleng tumaas ang presyo ng mga de latang isda dahil sa import suspension.
Paglilinaw ni Buencamino, ang sinabi lang nito ay pag-aaralan ng kanilang grupo kung ano ang posibleng epekto sa kanila.
Giit ni Buencamino, hindi naman sila apektado ng import ban dahil sardinas ang pangunahin nilang produkto.
Bukod dito, kinakailangan din aniyang magkaroon ng masusing pag-aaral at maraming kailangang ikonsidera sakali mang magpatupad sila ng taas presyo sa kanilang produkto.