Nagkakaisang nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang aabot na sa 59 grupo ng doktor sa bansa na i-veto o ibasura at huwag hayaang maging batas ang kontrobersyal na Vape Bill.
Ayon kay UP College of Medicine professor Doctor Tony Dans, malaking banta sa public health ang Vape Bill, dahil hihikayatin nito na malulong sa vapes o e-cigarettes ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan.
Babala naman ng pulmonologist na si Dra. Glynna Cabrera ng Lung Center of the Philippines, at opisyal din ng Philippine College of Chest Physicians, mapanganib ang paggamit ng vapes sa baga ng tao.
Iginiit naman ni Dra. Philina Pablo-Villamor, head pulmonologist sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu, na baga rin ang pangunahing pinupuntirya ng COVID-19, kaya mas malaki rin ang tiyansa ng vape users na mahawa sa gitna ng panibagong surge.
Paalala naman ng pediatric pulmonologist na si Dra. Corry Avanceña, makakaapekto ang sari-saring kemikal na laman ng vape juice sa full brain maturity ng mga kabataan kung sila’y malululong sa vapes sa maagang edad.
Babala ng mga doktor, babaligtarin ng Vape Bill ang mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa vapes sa ilalim ng Sin Tax Law, na pinangunahang ipasa ni Senadora Pia Cayetano noong taong 2020.
Una ring nagpahayag ng mariing pagkadismasya at panlulumo si Senadora Pia Cayetano na bumoto ng ‘No’ nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong nakaraang Disyembre.
Ibababa ng Vape Bill ang ‘age of access’ sa vapes sa 18 mula sa 21 years old, at papayagan din nitong padamihin ang flavors ng e-cigarettes para hikayatin ang mga kabataan na tangkilikin ito.
Aalisin din ng Vape Bill ang awtoridad ng Food and Drug Administration para i-regulate ang vapes o e-cigarettes, at sa halip ay ililipat ito sa Department of Trade Industry.