Ipinababawi ng grupo ng mga doktor sa Professional Regulation Commission (PRC) ang lisensiya bilang doktor ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy.
17 doktor ang naghain ng reklamo sa PRC dahil nilalabag umano ni Badoy ang code of conduct at ethical standards sa medical profession sa patuloy nitong red-tagging hindi lamang ng mga kapwa health workers kundi ang mga nasa ibang sektor.
Nagdudulot anila ito ng panganib sa buhay hindi lamang sa mga inaakusahan kundi kasama na rin ang mga pamilya at kanilang mga nakaka-trabaho.
Matatandaang noong April 7 ay naghain ang Alliance of Health Workers (AHW) ng reklamong administratibo sa PRC laban kay Badoy.
Ito ay matapos na akusahan ng tagapagsalita ng ELCAC ang grupo na isa umano sa organisasyon na binuo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Inakusahan din ni Badoy ang ilang opisyal ng Department of Health na “ipinagtatanggol” ang miyembro ng central committee ng CPP-NPA-NDF kasunod ng pagbasura ng regional trial court sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa doktor na si Natividad Castro nito lamang Marso.