Grupo ng mga electric distribution utilities, nagbabala na may epekto sa cash flow ng power supply chain ang pinahabang “no disconnection policy”

Nababahala ang mga grupo ng electric distribution utilities na posibleng makagulo sa cash flow o katatagan ng kakayahang pananalapi ng mga nasa power supply chain ang pinahabang “no disconnection policy”.

Sinabi ni Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc., (PHILRECA) President Presley de Jesus na may hindi magandang epekto ang patuloy na pagbibigay kaluwagan sa mga electricity consumers.

Tugon ito ng PHILRECA sa hirit ng mga mambabatas sa distribution utilities na extension sa grace period ng utility payments at ng “no disconnection” ng electric service upang makaagapay ang consumers na lugmok ang kabuhayan dulot ng pandemya.


Aniya, kung patuloy na kukunsintihin ang non-payment ng power bills, hindi maibibigay ng mga distribution utilities ang kanilang obligasyon sa mga power suppliers.

Dagdag ni De Jesus, ang mga distribution utilities ay mga “collection agents” lang ng mga generation companies.

Kung hindi aniya ito maaagapan, maaaring tamaan ng economic breakdown ang mga nasa labas ng power sector.

Facebook Comments