Grupo ng mga guro, dismayado sa muling pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang politiko bilang Secretary ng DepEd

Dismayado ang isang grupo ng mga guro sa muling pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang politiko bilang panibagong Secretary ng Department of Education (DepEd).

Ito’y kasunod ng pagtatalaga ni Pangulong Marcos kay Senador Sonny Angara bilang bagong kalihim ng DepEd.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Teacher’s Dignity Coalition Chairman Benjo Basas na hindi pinakinggan ng pangulo ang kanilang inilatag na criteria para sa DepEd secretary.


Ayon kay Basas, nirerespeto nila ang desisyon ng presidente pero baka kinakailangan na rin aniya na magkaroon ng basehan sa pagpili ng gabinete ng pangulo.

“Binigo tayo rito ng pangulo, nag-appoint na naman siya ng another politician sa Department of Education kaya ang sinasabi namin dito baka sa mga susunod, baka kailangan talaga natin na magkaroon na talaga tayo ng rules. ‘Yung specific agencies ay dapat mayroong mga qualifications na yung mga i-a-appoint na secretaries at hindi lamang yung decision at hindi lang trust and confidence ng pangulo.”

Umaasa naman ang grupo na makukuha nila ang suporta ng bagong kalihim sa panukalang umento sa sahod para sa mga guro.

Bukas din aniya sila at handang makipag-dayalogo sa bagong upong secretary para sa ikagaganda ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Facebook Comments