Dismayado ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa resulta ng K to 12 program sa nakalipas na sampung taon.
Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, bigo ang K-12 basic education system program ng gobyerno na matupad ang kanilang pangako.
Kabilang umano sa mga pangakong ito ay ihanda ang mga estudyante para sa tertiary education o kolehiyo, maitaas ang “employability” o kahandaan ng mga estudyante sa workforce, at mapataas ang skill competency para sa global market.
Dagdag pa ni Basas, naglabas na rin ang TDC ng mga hinaing at pagtutol sa naturang program kahit pa noong nagsisimula pa lamang ito, 10-taon na ang nakakaraan.
Matatandaang iniulat din ng Pulse Asia survey na mayorya sa mga Pilipino ang hindi kuntento sa sistema ng K to 12.
Samantala, inihayag naman ni Education Usec. Epimaco Densing III na kasalukuyan nang sinusuri ng kagawaran ng edukasyon ang k to 12 program.