Muling umapela ang grupo ng mga guro kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte na i-urong sa kalagitnaan ng Setyembre ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas, wala namang problema sa kanila ang face-to-face classes ngunit kinakailangan din nila ng sapat na pahinga para paghandaan ito.
Aniya, karapatan ng mga guro na magkaroon ng dalawang buwang bakasyon dahil walang sick leave at vacation leave ang mga ito na gaya ng sa ibang mga empleyado.
Inihayag din ni Basas na nagkausap ang grupo at si Vice President Sara Duterte hinggil dito kahapon ngunit iginiit nito na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Gayunpaman, hindi naman nawawalan ng pag-asa ang TDC na didinggin ni Duterte ang kanilang panawagan lalo’t ito ang unang pagkakataon na direkta nilang nakausap ang bise presidente at kalihim.
Samantala, iminungkahi naman ni Marikina Representative Stella Quimbo sa Department of Education (DepEd) na bigyan ng Special Risk Allowance (SRA) ang mga guro na makikibahagi sa muling pagpapatupad ng face-to-face classes sa Nobyembre.
Paliwanag ni Quimbo sa kanyang inihaing House Resolution No. 77, na karamihan kasi sa mga guro na magtuturo muli sa pagbubukas ng klase ay mahaharap sa isang ‘unique risk’ o panganib dahil malalantad sila sa COVID-19.