Nagkasa ng kilos protesta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa labas ng tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ito’y para ipanawagan na panagutin ang Department of Education (DepEd) sa usapin ng anomalya sa inisyu na mga laptop sa mga guro.
Matatandaan na nasa ₱2.4 bilyon ang inilaan na pondo ng DepEd sa mga laptop pero pawang mga outdated na ang mga ito at halos pahirapan sa paggamit.
Hiling nila na maimbestigahan ang nasabing isyu kung saan nais nila na magsalita na ang ilang mga nakaupo sa Procurement Service ng DBM hinggil sa pagbili ng mga outdated na laptop na nagkakahalaga ng ₱58,000.00.
Giit ng grupo, isa itong paraan ng korupsyon kung saan nagkaroon ng sabwatan ang DBM at DepEd kaya’t nararapat lamang na imbestigahan ito.
Kanila rin binabatikos si dating DepEd Sec. Leonor Briones sa naging reaksyon nito at pahayag hinggil sa nasabing isyu.
Nabatid na una ng sinabi ng dating kalihim na wala siyang kinalaman sa mga biniling outdated na laptop at saka nagbabala na kakasuhan ang sinumang magdadawit ng kaniyang pangalan.
Panawagan ng ACT na dapat managot ang nasa likod ng pagbili ng mga laptop na hindi naman lubos na napapakinabangan ng mga guro.