Hinikayat ng isang teacher’s group ang mga guro na i-post ang mga litrato o video ng kanilang araw-araw na aktibidad.
Ito ay kasunod ng tinuran ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa isang panayam sa radyo kung saan sinabi nito na nag-e-enjoy lamang ang mga guro at sumasahod kahit wala namang ginagawa.
Dagdag pa ng gobernador, hindi dapat nagrereklamo ang mga guro at sa halip ay paghusayin ang kanilang trabaho para hindi nasasayang ang pondo ng gobyerno.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Secretary General Emmalyn Policarpio, nasaktan sila sa sinabi ni Mamba lalo na at ibinibigay ng mga guro ang kanilang dedikasyon para maturuan ang mga estudyante kasabay ng pagbubukas ng distance learning ngayong araw.
Iginiit ni Policarpio ang hirap ng paghahanda para sa distance learning at sinabayan ng work-from-home at on-site reporting.
Nagpaalala si Policarpio sa mga guro na gamitin ang hashtag na #itreallyhurtsGovMamba at tiyaking mag-trending ito.
Hinihingan din nila ng paliwanag ang gobernador hinggil dito.
Dagdag naman ni TDC National Chairperson Benjo Basas, dapat bisitahin ng gobernador ang mga bahay ng mga guro sa kanilang nasasakupan para makita kung gaano kahirap ang ginagawa nilang trabaho.
Handa ang grupo na makipagdayalogo sa opisyal.
Ang naging pahayag ng gobernador ay nag-viral sa social media ay umani ng batikos lalo na sa mga guro.