Grupo ng mga guro, tuloy ang pangangalampag sa DepEd na iurong ang pasukan

Tuloy ang panawagan ng mga guro na iurong ang pagbubukas ng pasukan.

Sa interview ng DZXL558, sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas na karapatan ng mga guro na magkaroon ng sapat na pahinga mula sa katatapos lamang na school year.

Giit niya, kahit nagsara ang pasukan noong June 24 ay hindi naman natapos doon ang trabaho ng mga guro.


Katunayan, sa July 25 ay magsisimula na ulit ang enrollment na sasabayan pa ng Brigada Eskwela at iba pang trainings ng mga guro pagsapit ng Agosto.

Samantala, ayon pa kay Basas, suportado naman nila ang pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.

Gayunpaman, dapat itong paghandaang maigi ng DepEd dahil delikado para sa mga bata kung magsisiksikan sila sa mga classroom.

Samantala, una nang umapela ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na bayaran o bigyan ang mga guro ng tinatawag na proportional vacation pay para sa mga araw na ipinasok nila, lampas sa dapat sana’y bakasyon na nila noong June 24.

Nanindigan naman si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio na tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng School Year 2022-2023 sa August 22.

Punto ng kalihim, wala siyang nakikitang problema kahit maghalo-halo sa silid-aralan ang mga mag-aaral na bakunado at hindi bakunado dahil nagsasama-sama rin naman sila sa labas ng paaralan gaya na lang kapag namamasyal sa mall.

Facebook Comments